Bumangga sa poste ng kuryente at tumagilid ang isang dump truck madaling araw nitong Miyerkules, at nasugatan ang driver at pahinante nito.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita, sinabing nangyari ang insidente dakong 2 a.m. matapos mawalan umano ng preno ang truck at bumangga sa poste sa kahabaan ng Payatas Road sa Quezon City.
Nabasag ng windshield at tumagilid ang dump truck at nagkalat sa kalsada ang karga nitong buhangin.
Galing umano ang truck sa Rodriguez, Rizal at patungo sana sa Mandaluyong.
Kwento ng driver, mabagal lang ang takbo nila at pagdating sa pababang bahagi ng kalsada ay nag-brake siya pero hindi na kumagat ang preno. Nag-handbrake siya pero hindi na kinaya, kaya ibinangga na lamang niya sa poste ang truck.
Kapwa ng driver at pahinante ay nagtamo ng mga sugat.
Bahagyang naapektuhan ang daloy ng trapiko sa lugar dahil nasakop ng tumagilid na truck ang isang lane ng kalsada, ayon sa ulat.
Hindi pa natanggal ang truck hanggang sa oras ng pangbabalita. —LBG, GMA News
Truck, tumagilid matapos bumangga sa poste sa QC; driver at pahinante, sugatan
Source: Balita News
0 Comments