Mga kabataan na humihina ang pandinig, dumadami umano

Tumataas umano ang bilang ng mga kabataan na humihina ang pandinig dahil sa paggamit ng earphones o headphones na malakas ang tunog, at pagpunta sa mga maiingay na entertainment venues, ayon sa isang pag-aaral.

Sa ulat ni Lei Alviz sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabi sa pagsusuring inilabas ng BMJ Global Health Journal at sa pinagsama-samang pag-aaral mula sa 20 bansa na may mahigit 19,000 nakibahagi, tinatayang mahigit isang bilyong kabataan ang nanganganib na makaranas ng hearing loss.

Nakita sa pag-aaral na 24% o halos isa sa bawat apat na kabataan ang may “unsafe listening practices”, habang 48% ang exposed sa “unsafe noise levels” sa mga entertainment venues gaya ng concerts at night clubs.

Ang college student na si Sam, nakasanayan na raw ang pakikinig ng musika nang naka-earphones.

Ayon kay Sam, umaabot raw ang pakikinig niya ng hanggang apat na oras.

“I usually put it on max. Usually, when I’m studying kasi I don’t wanna hear other people when I’m studying. I just wanna focus and be in the zone,” dagdag pa niya. 

Batay sa pag-aaral karaniwang umaabot sa 105 decibels ang pinakikinggan ng mga gumagamit ng personal listening device tulad ng mga headset o earphones.

Nasa 104 – 112 decibels naman sa mga entertainment venues.

Ang nasabing decibels, ay higit na mataas kaysa sa 80 – 85 decibels na maituturing na pinakamataas na safe exposure level.

Walong oras naman ang maximum permissible time o ang oras na puwedeng makinig sa ganitong antas.

Habang tumataas decibel level, bumababa ang haba ng permissible time, ayon pa sa pag-aaral.

Batay pa sa mga pag-aaral, ang paulit-ulit at kahit iisang pagkakataon ng unsafe listening maaaring magdulot ng pagbabago o pinsala sa pagdinig na posibleng pansamantala o kaulana’y maging permanente.

Ayon sa World Health Organization (WHO), 50% ng hearing loss ay puwedeng maiwasan.

Dati nang naglunsad ang WHO ng kampanyang “Make Listening Safe.”

Sa kampanya ng WHO, iminungkahi na hanggat maaari hinaan ang pinakikinggan at limitahan din ang oras ng pakikinig sa personal audio devices.

Makakatulong din daw ang noise cancelling headphones at pati ang paggamit ng ear plugs sa mga maiingay na events.

Makabubuti rin umano na may regular hearing screening.

Panawagan din ng mga nasa likod ng pag-aaral na ipinatupad ng mga gobyerno ang WHO guidelines sa ligtas na pakikinig at limitahan ang noise level sa entertainment venues.

Hinihikayat din ang manufacturers ng gadgets tulad ng cellphones na maglagay ng warning kung masyado nang mataas ang volume at mag-enable ng parental locks para ma-restrict ang exposure ng mga bata.

Ayon sa WHO, mahigit 1.5 billion tao sa mundo ang may hearing loss, at 430 million sa kanila ay disabling umano ang kalagayan.–Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News



Mga kabataan na humihina ang pandinig, dumadami umano
Source: Balita News

Post a Comment

0 Comments