OFW sa US, ligaya ang hatid sa maswerteng mapapadalhan ng libreng balikbayan box sa Pilipinas

Noon hanggang sa ngayon, ang balikbayan box nating mga Pilipino ay simbolo ng pagmamalasakit, pagsasakripisyo at pagmamahalan.

Pero paano kung ang nagpadala sa iyo ng balikbayan box ay hindi mo kaanak? Matatawag mo na kaya siyang si Santa Claus?

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing ang overseas Filipino worker mula sa Amerika na si Brenda Darrough ay isang dumpster diver/vlogger.

“Nagsimula ako mag-dumpster dive, 2021. Isa ‘yung sumisilip ako sa basurahan. Iisa rin ‘yung online dumpster diving is maghahanap ka lang sa marketplace,” saad ni Shang.

Content sa vlog ni Shang ang pag-dumpster diving o ang pangunguha ng mga segunda manong gamit o mga papakinabangan pang pagkain na itinapon na ng iba.

Ayon sa ginang, lilinisin raw niya ang mga nakukuha mga damit at laruan sa mga dumping sites. Matapos nito, isisilid niya sa balikbayan box.

“May mga nakita akong damit na bago din na mga nakalagay sa plastic. Nilalabhan ko po. At saka mga stuffed toys. ‘Yung mga bata pag-open nila ng box gusto nilang yakapin agad ‘yun so make sure na malinis talaga siya. Magugulat ka bakit nila ito tinapon. Kung may nagsabi pong mga viewers na pahingi ng damit, napag-isip-isip ko, may balikbayan box pala,” aniya pa.

Kapag napuno na ang balikbayan box, ipapa-raffle niya ito sa kaniyang live streams at libreng niyang ipapadala sa Pilipinas.

Isa sa mga mapalad na naambunan ni Shang ay si Flordessa Cobreros.

“Araw-araw ko siyang pinapanood kasi masiyahin siya eh. Kami naman tuwang-tuwa sa kaniya,” pahayag ni Flordessa. 

Hanggang si Flordessa, nabunot sa raffle. Ang balikbayan box na handog sa kaniya ni Shang, inabot ng dalawang buwan bago naipadala sa Pilipinas.

Ano naman kaya ang kaniyang mga natanggap?

“Mga canned goods, pancake, popcorn, mga damit, sapatos ng bata. ‘Yun nagamit ko rin at saka sa mga anak ko,” ani Flordessa.

Mayroon pa raw pa-bonus si Shang dahil may nakasingit sa loob ng balikbayan box na nakasobreng $40 o mahigit P2,000.

“First time ko lang nakakuha ng dollars sa tanan ng buhay ko. Lundag-lundag sa tuwa. Naipang-ano ko sa utang ko sa tindahan,” sabi ni Flordessa.

Sinabi ni Shang na ginawa na niyang digital ang kaniyang mga drawing para sa raffle para walang magtampo sa kaniya.

“Gusto kong ma-experience nila ito ngayon na hindi ko man lang na-experience sa buhay ko,” dagdag pa niya.

Tubong Zamboanga del Sur si Shang at aminado siyang laki sa hirap.

“Nasubukan ko pong kumain ng once a day. ‘Yung nanay ko nagalaga ng kapatid kong may epilepsy. Tapos tatay ko naman nag-aararo. Niyaya ako, nagtatrabaho sa bakery, security and then naglalabandera, nag-plantsadora,” aniya pa.

Taong 2014 nang makilala niya ang kaniyang mister na si Steve na siyang naging katuwang niya sa pagtataguyod ng tatlo nilang mga anak.

Kahit na may sarili ng pamilya, hindi pa rin daw nawawala sa isip ni Shang ang naiwan niyang pamilya sa Zamboanga del Sur.

“Itong aming bagong bahay, ang anak kong si Brenda ang nagpatayo nito,” sambit ni Sherlina Bongga, nanay ni Shang.

“Maalalahin siya sa mga kapatid niya. Nagbigay siya sa akin pambili ng gamot ko kasi hindi ako nakapagtrabaho dahil sa sakit ko,” dagdag pa ni Marriane, kapatid ni Shang.

Kada buwan, nakakapag-padala daw si Shang ng lima hanggang siyam na balikbayan box sa kaniyang lucky followers.

Ang isa pa sa mga maswerteng naambunan ng biyaya mula kay Shang ay si Apple Frias.

“Wala kaming makain. Nag-iisip ako kung saan ka makahanap ng pera, saan ka hihingi, ganon. Meron po naranasan namin gulay lang ang kinakain namin, walang kanin,” ani Apple.

“Tinry ko lang po siya i-follow baka sa kaling mapunta sa akin ang box. Hindi ko naman ine-expect na bibigyan ako ng box. Sinuwerte lang,” aniya pa.

Mula raw ng matanggap nila ang balikbayan box mula kay Shang, sunod-sunod na rin silang binuwenas.

“Nagkaroon ng trabaho ‘yung asawa ko. Nagpapasalamat po ako sa kaniya kahit, hindi kami kaano-ano, binigyan kami ng opportunity ng memories na hindi namin makakalimutan tulad ng balikbayan box,” sambit pa ni Apple.

Samantala, sinabi ni Safety Office Marco Mondejar na safe naman ang dumpster diving subalit maaari pa rin itong magdulot ng panganib.

“Pakuluan mo muna para safe ano. Para mapatay mo somehow ‘yung bacteria available. We need to be watchful make sure na-fo-follow natin ang expiration dates,” giit pa ni Marco.

“Ang mga food, basurahan talaga na dumpster, hindi ako [kumukuha dun]. Nag-clean up po ako sa pantry at make sure na hindi expired,” ani Shang.

Samantala, may surpresa naman ang mga nakatanggap naman ng balikbayan box ang may surpresa para kay Shang upang magpasalamat.

Papadalhan nila si Shang ng balikbayan box laman ng mga bagay na na-mi-miss na pala nito dito sa Pilipinas.

“Hindi ko po inexpect na magbibigay naman sila ng pabalik kasi wala naman po akong inexpect. Thank you so much. Life is too short. Gumugulo na ang mundo. So dapat magmahalan, magbigayan,” ani Shang.—Mel Matthew Doctor/LDF, GMA Integrated News



OFW sa US, ligaya ang hatid sa maswerteng mapapadalhan ng libreng balikbayan box sa Pilipinas
Source: Balita News

Post a Comment

0 Comments