Koreano, patay sa pamamaril nang manlaban sa mga nangholdap sa kaniya; 2 suspek huli

Patay ang isang Korean national matapos siyang barilin nang manlaban sa mga lalaking nangholdap sa kaniya sa Pasay City. Ang dalawang suspek, nadakip.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Dobol B TV, sinabi ng Pasay City Police na nangyari ang pamamaril sa kahabaan ng Roxas Boulevard Service Road dakong 4 a.m. ng Biyernes.

Nakita sa CCTV na naglalakad sa Arnaiz Avenue ang 45-anyos na Korean national nang lumabas ang dalawang suspek sa kaniyang likuran.

Hinoldap ang biktima pero nanlaban siya dahilan para barilin siya ng isa sa mga suspek.

Matapos ang insidente, mabilis umalis sa lugar sakay ng tricycle ang mga suspek na dala ang bag ng biktima na naglalaman ng hindi pa matukoy na halaga ng pera.

Nadakip ang isa sa mga suspek Sabado ng madaling araw sa San Pedro, Laguna, na kinilalang si Prince Eleazar Tupas, samantalang nahuli nitong Biyernes sa Pasay City si Jerome Karataw.

Nagtuturuan pa ang dalawang suspek sa kung sino ang tunay na bumaril sa Koreano, habang hindi pa nare-rekober ang bag ng biktima.

 

 

Sa hiwalay na ulat ni Bam Alegre sa Dobol B TV, sinabing nagpakita pa ng senyales na buhay ang Koreano, kaya nadala pa ito sa pagamutan. Ngunit idineklara rin siyang dead on arrival.

Sasampahan ang mga suspek ng reklamong robbery with homicide. — DVM, GMA Integrated News



Koreano, patay sa pamamaril nang manlaban sa mga nangholdap sa kaniya; 2 suspek huli
Source: Balita News

Post a Comment

0 Comments