Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaking snatcher, habang nakatakas naman ang kasabwat niyang rider sa Sampaloc, Manila. Ang dalawa, sumemplang nang hindi siya tantanan sa paghabol ng kanilang biniktima.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, makikita sa CCTV ang paghabol ng isang estudyante sa riding-in-tandem na inagawan umano ng cellphone sa Barangay 470.
Sa pagmamadali, sumemplang ang mga suspek. Pero naitayo naman ng rider ang motosiklo at nakatakas. Naiwan naman ang suspek na angkas hanggang sa abutan ng estudyante at maging ng iba pang tao na tumulong sa biktima.
“So lahat ng mga tao ngayon na humabol sa kanya, nakahabol din and then mayroon din mga concerned citizens po doon sa Alfredo Street, sila rin po ‘yung humarang,” ayon kay Barangay 470 Chairman Harry Nagal.
Kinilala ang nadakip na suspek na si John Carlo Jayuna. Nakuha sa kaniya ang tatlong cellphone mula sa iba’t iba nilang nabiktima.
Isa sa mga biktima si Roldan Harina, na pasakay na umano sa jeep nang hablutin ng mga suspek ang cellphone niya bandang 5:30 a.m.
Aminado naman si Jayuna sa ginagawang panghahablot ng cellphone. Nang araw na mahuli, apat na raw ang kanilang nabiktima.
Ayon kay Joseph Venson, kagawad sa naturang barangay, si Jayuna rin itinuturong nanghablot ng cellphone sa isang estudyante madaling-araw noong November 16.
Sasampahan ng pulisya ng reklamong three counts of robbery by using force upon things si Jayuna. Habang patuloy ang paghahanap sa kaniyang kasabwat.–Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News
Riding-in-tandem snatcher, sumemplang nang habulin sila ng kanilang biniktima
Source: Balita News
0 Comments