‘The Monster’ Naoya Inoue, iiwan na ang inipong bantamweight belts; aakyat sa 122

Inihayag ng Japanese pound-for-pound superstar at binansagang “The Monster” na si Naoya Inoue na babakantehin na niya ang mga nakuha niyang belt sa 118-pound division para umakyat sa mas mabigat na 122-pound ngayong taon.

Ayon kay Inoue, may record na 24-0, kasama ang 21 knockouts, wala na siyang gagawin sa kasalukuyang 118-pound division matapos makuha at mapag-isa ang lahat ng titulo mula sa WBC, WBA, WBO, at IBF.

Kabilang sa mga huling naagaw ni Inoue ang WBC bantamweight belt nang talunin at pabagsakin niya ang Pinoy pride na si Nonito Donaire Jr. noong June 2022.

Huling koleksiyon ni Inoue ang WBO belt na nakasukbit sa Briton na si Paul Butler na pinataob din niya sa kanilang sagupaan noong nakaraang Disyembre.

Bago nito, dating suot ng Pinoy fighter na si John Riel Casimero ang WBO belt pero hinubad sa kaniya ito ng organisasyon matapos na dalawang ulit na hindi natuloy ang kaniyang laban sa mandatory challenger noon na si Butler.

Sinabi ni Inoue sa press conference sa Japan nitong Biyernes, “I would like to inform you that I will return the belts of the four sanctioning bodies.”

“I would like to move up one weight class and challenge the super bantamweight division. There is nothing left to do in this bantamweight division and there is no opponent I want to fight,” dagdag niya.

Nasa naturang debisyon ang mga Pinoy boxer na tulad nina Vincent Astrolabio, Jerwin Ancajas, at Reymart Gaballo.

Mangangahulugan na kailangan din ni Casimero na umakyat ng timbang kung nais niyang ituloy ang hamon na makasagupa si Inoue at patunayan na mas “maangas” siya sa Japanese fighter.

Nitong nakaraang buwan, tinalo ni Casimero ang Japanese boxer na si Ryo Akaho via knockout, na unang idineklara na “no contest.”

Ayon kay Inoue, magiging pagsubok sa kaniya ang maghari sa super bantamweight division na kasalukuyang teritoryo nina WBC at WBO world champion Stephen Fulton, at IBF at WBA world titleholder Murodjon Akhmadaliev.

“I have decided to compete in the super bantamweight division and challenge fighters who are bigger than me,” ani Inoue. —FRJ, GMA Integrated News



‘The Monster’ Naoya Inoue, iiwan na ang inipong bantamweight belts; aakyat sa 122
Source: Balita News

Post a Comment

0 Comments