12-anyos, kritikal nang aksidenteng maputukan ang sarili ng baril na dinala niya sa eskwelahan

Malubha ang lagay ng isang 12-taong gulang na bata matapos niyang aksidenteng maputukan ang sarili ng baril na kaniyang dinala sa eskwelahan sa San Jose Del Monte City, Bulacan.

Sa panayam sa Dobol B TV nitong Huwebes, sinabi ni Police Lieutenant Colonel Ronaldo Lumactod, Chief of Police ng San Jose Del Monte City Police, na ang baril ay pagmamay-ari ng tatay ng bata, na isang pulis.

Nangyari ang insidente 5:40 ng umaga sa Benito Nieto Elementary School ng Brgy. Muzon ng nasabing lungsod.

“Rapaciously nakuha ng bata ‘yung baril ng kaniyang ama at dinala niya sa kaniyang eskwelahan kung saan siya nag-aaral. At ito pong bata ay pang-umaga,” sabi ni Lumactod.

Base sa imbestigasyon, pumunta sa comfort room ang bata.

Ilang saglit pa, narinig ng mga guro na may pumutok sa palikuran. Nang puntahan, nakita nila ang duguang bata.

Agad nila itong isinugod sa ospital para sa karampatang lunas.

Ayon kay Lumactod, kritikal ang bata matapos tumagos ang bala mula sa kaniyang baba papunta sa kaniyang ilong.

Base pa sa pagsisiyasat ng mga awtoridad, nalulong umano ang bata sa online games.

“Siguro ang akala ng bata ay the same ang extent ng damage doon sa kaniyang nilalaro dito sa tunay na buhay,” sabi ni Lumactod.

“Sa online gaming, kapag tinamaan ka, mabubuhay ka ulit. Pero dito sa totoong buhay, ‘pag tinamaan ka, wala na pong balikan po ‘yan,” dagdag ng opisyal.

Kasalukuyang inoobserbahan ang kalagayan ng bata.

Iniimbestigahan din ng pulisya kung paano naipasok ng bata sa eskwelahan ang baril. —LBG, GMA Integrated News



12-anyos, kritikal nang aksidenteng maputukan ang sarili ng baril na dinala niya sa eskwelahan
Source: Balita News

Post a Comment

0 Comments