Lalaki, patay sa pamamaril sa Tondo

Dead on the spot ang isang lalaki matapos siyang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Tondo, Maynila nitong Linggo ng madaling araw.

Nangyari ang insidente sa Road 10 sa tapat ng Smokey Mountain, ayon sa ulat ni Jhomer Apresto sa Super Radyo dzBB.

Ayon sa Manila Police District Station 1, naglalakad lang ang biktima nang makarinig ang mga residente ng tatlong sunod-sunod na putok ng baril.

Nakita na lamang ang biktima na nakabulagta na sa kalye.

Madilim ang lugar at hindi nakita ng mga residente kung sino ang bumaril sa biktima.

Ayon sa panayam ng Super Radyo dzBB sa isang nagngangalang Marjorie, isa sa mga huling nakasama ng biktima, dakong ala-una nitong Linggo ng madaling araw nang magpasama siya sa biktima upang kuhanin ang mga biniling damit sa isang gusali sa Tondo.

Hindi raw agad dumating ang biktima dahil nakipag-inuman pa ito sa mga kaibigan.

Dakong 2:30 a.m. na sila nagkita at pasado alas-tres na ng umaga nang maghiwalay sila, ayon kay Marjorie.

Kalaunan ay nalaman na lang niya na nabaril ang biktima at pumanaw na ito. —KG, GMA Integrated News



Lalaki, patay sa pamamaril sa Tondo
Source: Balita News

Post a Comment

0 Comments