Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang dalawang Pinay na magbabakasyon daw sa Malaysia pero natuklasan na sa Congo, Africa ang tunay na destinasyon para magtrabaho bilang kasambahay.
Sa ulat ni Lei Alviz sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabing nasa edad na mid-20’s hanggang early 30’s ang dalawang babae, na naharang sa NAIA-Terminal 1 noong Marso 7.
Nagduda umano ang mga tauhan ng BI dahil sa hindi magkakatugmang pahayag at detalye sa kanilang mga dokumento at biyahe.
“They were unable to answer even the most basic details po ng kanilang bakasyon dahil itong lamang mga dokumento nila ay kabibigay lamang sa kanila right before sila pumasok ng paliparan,” ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval.
Magkapareho rin umano ang mga dokumento ng dalawang babae na sa labas lang ng paliparan unang nagkita.
“Sila palang dalawa ay bound for Congo para doon po magtrabaho. Ni-recruit sila allegedly ng isang Overseas Filipino Workers (OFW) sa Congo para magtrabaho doon,” sabi ni Sandoval.
“They were offered P40,000 salary, the initial offer sa kanila ay mga staff, mga school o office worker pero when we inquired kung meron silang background sa mga ito, wala raw silang background sa kanilang trabaho,” patuloy ng opisyal.
Kinalaunan, kinuha raw ang dalawa na magtrabaho bilang kasambahay sa Africa.
Ipinasa na umano ng BI sa the Inter-Agency Council Against Trafficking ang mga nakalap na impormasyon hanapin ang nasa likod ng naturang pagtatangka ng human trafficking sa dalawang Pinay.
“We want to put the information out there for everyone to know and understand why the immigration is doing stricter interviews for certain departing Filipinos because of the high instances of human trafficking schemes such as this,” paliwanag ni Sandoval.–FRJ, GMA Integrated News
2 Pinay na nagpanggap na magbabakasyon, magtatrabaho pala sa Africa
Source: Balita News
0 Comments