RepLeksiyon: Manatili sa panig ng Diyos upang ‘di matukso ng diyablo

“Pagkatapos, si Hesus ay dinala sa ilang [na lugar] at doon ay tinukso o inakit ng diyablo. Siya’y nag-ayuno sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi kaya’t Siya’y nagutom.” (Magandang Balita Biblia – Mateo 4:1-2).

LAHAT ng tao ay matatawag na “prone” o maaaring subukin ng tukso. Maging ang ating Panginoong HesuKristo ay hindi pinaligtas ng panunukso ng diyablo kahit Siya pa ang bugtong na Anak ng Diyos Ama.

Ang tukso ay hindi naman ilalapit sa atin ng diyablo sa anyong “pangit’. Sapagkat kung ito’y nasa pangit na aspekto o anyo, wala na sanang taong mahuhulog sa kasalanan o magkakasala. Dahil kung sa unang tingin pa lamang ay nakita na nitong pangit ang kasalanan, bakit pa pipiliin ng tao?

Tulad nina Eba at Adan (Genesis 3:1-13), hindi naman inilapit ng demonyo ang pangit na pangako kay Eba.  Sa halip, inalok niya dito ay yung maganda. Sinabihan niya ang babae na magiging parang diyos din siya kapag kinain niya ang bunga ng puno na ipinagbabawal ng Panginoon sa hardin ng Eden.

Nagpadala sa buyo ng tukso ng demonyo si Eba sapagkat gusto niya rin maging diyos na nakaka-alam ng masama at mabuti. Hindi man tuwirang sinabi, maituturing naging ambisyosa si Eba dahil sa bibig niya mismo nanggaling na: “Kahanga-hanga ang maging marunong kaya kumain siya nito”. (Gen. 3:6)

Sa Mabuting Balita (Mateo 4:1-11), maging ang ating Panginoong HesuKristo ay inaalok din ng magagandang bagay ni Satanas nang tuksuhin Siya nito sa ilang.  Ano ba ang mga inalok ng diyablo kay Hesus? Unang sinabi ng diyablo kay Hesus na kung Siya nga ang anak ng Diyos ay gawin niyang tinapay ang mga bato. Ang tinapay na binabanggit sa Ebanghelyo ay naglalarawan sa mga materyal na bagay o kayamanan dito sa ibabaw ng lupa. (Mateo 4:3)

Minsan sinisilaw ng demonyo ang mga tao sa pamamagitan ng kayamanan, salapi at iba pa para maging ganid at sakim ang tao sa mga materyal na bagay. Kaya ano ang sabi ni Hesus? Hindi lang naman sa tinapay (kayaman) nabubuhay ang tao kundi sa salita ng Diyos. (Mateo 4:4)

Ano pa ang katuturan ng kayamanan at napakaraming salapi kung wala naman tayong katahimikan ng isipan?. Ano ang magagawa ng ating mga ari-arian kung wala tayong pananampalataya sa Diyos? Minsan, mas mapalad pa nga ang mga mahihirap dahil payapa ang kanilang buhay.

Ang akala kasi ng iba, kapag napakarami na nilang kayamanan ay makakamit na nila ang tagumpay. Hindi rin, sapagkat mas marami pa nga silang problema kaysa sa isang ordinaryong tao na walang inaasahan kundi ang Diyos. Dahil para sa kaniya ang pananampalataya ang totoong kayamanan.

Sunod na dinala ng diyablo si Hesus sa banal na lungsod at pinatayo sa taluktok ng Templo para hamunin na magpatihulog kung talagang Siya nga ang anak ng Diyos (Mateo 4:5-6). Minsan, hinahamon din natin ang Diyos na makialam upang pigilin na mangyari ang isang bagay kapag nahaharap tayo sa masalimuot na sitwasyon.

Dinala din ng diyablo si Hesus sa isang napakataas na bundok at ipinakita sa Kaniya ang lahat ng kaharian sa daigdig. Sinabi sa Kaniya ni Satanas na ibibigay niya ang lahat ng ito kung sasambahin siya ni Hesus. (Mateo 4:9). Minsan, may mga tao na ang tingin sa kanilang sarili ay kagaya ng Diyos.

Lagi natin isapuso at isaisip na ang lahat ng mga panunukso ng demonyo ay hinding-hindi magbubunga ng mabuti at hindi kailanman makakabuti para sa atin lalo na relasyon natin sa Diyos.

Alalahanin na walang magagawa ang demonyo kung matibay ang ating pananampalataya sa Diyos.  Palakasin pa natin ang ating relasyon sa Panginoon lalo na ngayong Semana Santa at panahon ng pagtitika. AMEN.

–FRJ, GMA Integrated News



RepLeksiyon: Manatili sa panig ng Diyos upang ‘di matukso ng diyablo
Source: Balita News

Post a Comment

0 Comments