Itinuturing pambihira ang maayos na pagkakasilang sa kambal na mula sa embryo na 30 taon nang frozen. Ang ginang na nagluwal sa kanila, tatlong-taong-gulang lang nang mabuo ang embryo noong 1992.
Sa video ng Next Now, sinabing record holder ang pagkakasilang ng kambal na sina Lydia Ann at Timothy Ronald, na mula sa embryo na 30 taong nang frozen, at inilagay sa ginang na si Rachel Ridgeway, sa pamamagitan ng In vitro fertilization o IVF.
Nabuo ang embryo ng kambal noong Abril 1992, at iprineserba sa National Embryo Donation Center sa Amerika.
Ang mag-asawang Philip at Rachel Ridgeway, naman ang kumuha sa mga embryo, at ipinagbuntis ni Rachel sa pamamagitan ng IVF.
Noong Oktubre 2022, maayos niyang naisilang ang kambal, na ngayon ay record holder bilang “longest frozen embryos to result in a live birth.”
Ayon sa mga eksperto, maselan ang cells ng frozen embryos at hindi lahat ay kayang mag-survive hanggang sa maisilang.
Malaki rin ang posibilidad na magkaroon ng genetic abnormality ang mga ito.
Kaya naman itinuturing breakthrough ang maayos na pagkakasilang kina Lydia Ann at Timothy Ronald.– FRJ, GMA Integrated News
Kambal, isinilang mula sa embryo na 30 taon nang frozen; nagsilang sa kanila, 33-anyos na ginang
Source: Balita News
0 Comments