
Timbog ang tatlong pinaghihialaang holdaper matapos silang makipaghabulan at makipagbarilan sa mga pulis sa Quiapo, Maynila.
Ang isa sa kanila, sugatan sa insidente.
Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Biyernes, kinilala ang sugatang suspek na si Joseph Macatangay, 19-anyos, habang arestado rin ang kaniyang mga kasamahan na sina Antony Prado, 21-anyos, at live-in partner nitong si Evamarie Derain.
Sa isang CCTV, makikita ang pagtakas ni Macatangay at ni Prado matapos manutok ng baril at kunin ang sling bag ng kanilang biktima sa Rizal Avenue corner Paterno Street.
Nagkataong may mga pulis na nagpapatrolya sa lugar, kaya nagkahabulan at nagkabarilan ang mga awtoridad at ang mga suspek na nakasakay sa motorsiklo.
Kalaunan, naabutan ng mga pulis ang mga suspek, ngunit hinagis nila ang sling bag kay Derain kaya dinakip na rin siya ng mga awtoridad.
Bukod sa sling bag at cellphone, nakuha sa kanila ang isang .38 at isang laruang baril.
Dati nang nakulong ang mga suspek dahil sa mga kasong may kinalaman sa ilegal na droga, at gawain na nila ang pangho-holdap sa lugar. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News
1 sa 3 holdaper umano, sugatan matapos makipaghabulan at makipagbarilan sa mga pulis-Maynila
Source: Balita News
0 Comments