OFW sa Belgium, nasa airport na nang malaman na ‘di siya makauuwi sa Pilipinas

Nadismaya ang isang overseas Filipino worker sa Belgium nang hindi siya makasakay ng eroplano para makauwi sa Pilipinas upang makapiling ang pamilya ngayong Pasko.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing noong Disyembre 2 sana ang lipad pauwi ni Remedios Ilagan pero hindi natuloy nang malaman niyang nasa “red list” ng Pilipinas ang Belgium.

Ang mga bansang nasa “red list” ay may mga kaso ng pinapangambahan na mas nakahahawang Omicron variant ng COVID-19.

“Nakakaiyak, kumbaga ‘yong moment na nandiyan ka na, lilipad ka na lang na hindi mo kaya,” hinanakit ni Ilagan na dalawang taon nang hindi nakakauwi sa Pilipinas.

Plano sana ni Ilagan na dumalo din sa graduation ng kaniyang anak, pero sa halip ay napilitan na lang siyang bumalik sa kaniyang pinagtatrabahuhan.

“Sanay naman ako na mag-Pasko sa abroad pero umaasa pa rin na sana makabakasyon,” saad niya. “Umaasa ako na bibigyan nila ako ng pagkakataon na makapagbakasyon ako.”

Mahigit 140 OFWs ang stranded sa Europe, habang 49 naman ang stranded sa South Africa.

Maaari namang makauwi sila sa Pilipinas pero kailangan nilang magpalista sa gagawing repatriation flights ng Department of Foreign Affairs (DFA) para sa mga OFWs.

Batay sa mga naglalabasang impormasyon, ang isang tao na positibo sa Omicron variant ay kaya umanong makahawa ng hanggang 16 katao, mas marami kumpara sa walo katao na maaaring mahawahan ng mayroong Delta variant.—FRJ, GMA News



OFW sa Belgium, nasa airport na nang malaman na ‘di siya makauuwi sa Pilipinas
Source: Balita News

Post a Comment

0 Comments