Nahuli ang dalawang dating barangay tanod na wanted sa pagpatay sa isang pulis sa Quezon City, makaraan ang 20 taon nilang pagtatago.
Sa ulat ni James Agustin sa “Unang Balita” nitong Biyernes, kinilala ang isa sa mga suspek na si Alberto Javellana Jr. na dinakip sa Barangay Commonwealth sa bisa ng warrant of arrest dahil sa kasong murder.
Itinuturing si Javellana na most wanted person ng Quezon City Police District Station 13.
Matapos nito, nadakip din ang kaniyang kapitbahay na si Abdon Estrada, may kaso ring murder at ika-apat na most wanted person ng estasyon.
Sinabi ng pulisya na nagtago ang mga suspek sa malayong lugar.
“Noong 2002, sila po ang suspek doon sa pagpatay sa isang pulis na naka-assign sa Kamuning Police Station ng QCPD. Mayroon po silang kasamahan na isang pulis noon na nag-iinuman, nagkaroon ng mainit na pagtatalo na nagresulta sa pamamaril kung saan napatay ang biktima na pulis,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Roldante Sarmiento, Payatas Bagong Silangan Police Station Commander.
Depensa naman ng mga suspek, hindi sila nagtago at hindi rin nila alam na mayroon silang warrant of arrest.
Tumanggi rin ang mga suspek na sila ang pumatay sa pulis.
“Iba ang pumatay ho. Pulis din ang pumatay. Kasi kami, dati kaming BSDO (Barangay Security Development Officers), rumesponde lang po kami sa gulo. Napasama sa amin ‘yung isang pulis na kapitbahay din namin,” sabi ni Javellana.
“Noong nangyari ‘yon, nagresponde kami noon eh, mga BSDO kami, kasama namin ‘yung pulis. ‘Yung pulis na kasama namin ‘yun ang nakabaril, nakapatay. Pero nakapag-serve na siya,” sabi ni Estrada. — Jamil Santos/VBL, GMA News
2 dating barangay tanod na wanted sa pagpatay sa pulis, huli matapos ang 20 taong pagtatago
Source: Balita News
0 Comments