Mga mister, nakararanas din ng pagmamalupit mula sa kani-kanilang mga misis

Mga kuwento ng mga kababaihan na nakararanas ng pang-aabuso mula sa kanilang mga mister ang madalas na madinig ng publiko. Ngayon, ilang kalalakihan ang nagbabahagi na rin ng kanilang naranasang kalupitan sa kamay ng kani-kanilang maybahay.

Sa report na “Abused Men” ni James Agustin sa Brigada, ikinuwento ng 28-anyos na si “David,” hindi niya tunay na pangalan, na nakilala niya sa simbahan ang kaniyang asawa.

“Sobrang saya ng pagsasama namin. Hindi mo siya ine-expect na walang ibang sisira sa relasyon niyo. Kasi alam talaga ng iba, talagang sobrang maayos talaga pagsasama namin eh. Pero deep inside, sa panglabas lang pala,” sabi ni David.

Matapos ang siyam na taon nilang pagsasama, nahuli ni David na tila may kausap na iba ang kaniyang misis. Binantayan niya ang mga kilos nito, pero ayaw magsabi ng kaniyang asawa.

“Nakita ko ‘yung larawan nilang magkasama, kasama ‘yung anak ko. Masakit, magkasama pa sa kuwarto. Talagang tumusok sa akin, talagang gumuho ‘yung mundo ko,” sabi ni David.

Bukod dito, nagagawa rin umano ng kaniyang misis na saktan si David sa harap ng maraming tao. Tulad ng pagbato sa kaniya ng tsinelas at pagsabunot at panununtok.

“Tinatanggap ko na lang lagi. Mahal ko po eh, kaya gano’n na lang din ‘yung ano ko sa sarili ko. Kahit nasasaktan ako, ‘wag ko lang siyang makitang umiyak,” sabi ni David.

Nagkahiwalay sina David at ang kaniyang asawa kalaunan, pero hindi natapos dito ang pananakit.

Nagpasama noon sa palengke ang kaniyang misis para bumili ng mga kagamitan ng kanilang mga anak.

“‘Yung phone ko nasa belt bag ko tapos kinuha niya, tapos gusto niyang burahin ‘yung mga videos at saka mga pictures na pinanghahawakan ko. Nu’ng nakuha niya ‘yung cellphone ko, winasak niya tapos minura-mura niya ako,” sabi David, na nagtamo ng bugbog at kalmot sa katawan.

Gayunman, siya pa ang kinasuhan ng kaniyang misis ng paglabag sa Anti-Violence Against Women and their Children o VAWC.

Ang 54-anyos na si Rom Factolerin, nakaranas din ng pang-aabuso mula sa asawa.

“Dumating na sa punto na ‘pag umiinit ‘yung ulo niya mabilis ‘yung kamay niya na manakit. Eventually, noong nata-translate na ‘yung violence noong nagkaanak na kami, napupunta na sa mga bata. Na hindi lang physical abuse, kundi matindi ang verbal abuse,” sabi ni Rom.

“Hinampas niya ako ng silya sa mukha na nabali ‘yung nose bridge ko. Tapos ang dami kong bite marks sa braso. Kasi ‘pag kinakagat niya ako, hindi ko hinihila, dahil ‘pag hinila ko siguradong tastas ‘yung laman ko,” dagdag niya.

Matapos ang 12 taon na pagtitiis, hindi na kinaya ni Rom ang pang-aabuso sa kaniya ng kaniyang asawa.

Ibinaling ni Rom, isang artist, ang kaniyang madidilim na karanasan sa paglikha ng sining.

Binuo ni Rom ang support group na Diego Silang Movement, kasama ng ibang kalalakihang nakararanas ng domestic violence mula sa kanilang mga asawa.

May mga lalaki pa rin na natatakot magsalita tungkol sa mga nararanasan nilang pang-aabuso.

Hiling ng grupo na bumuo rin ng batas na proprotekta maging sa mga miyembro ng LGBT community.

Sa ngayon, maaari ring magsampa ng physical injury ang isang mister kapag binugbog siya ng kaniyang asawa.

“Ang violence puwedeng gawin ng kahit anong gender. Bakit kailangan nating i-restrict lang ito, ang poprotektahan natin ang mga kababaihan?” sabi ni Rom.
Bakit nga ba atubili ang mga lalaking biktima ng domestic violence na magsumbong? Tunghayan sa video ang buong report. Panoorin.–FRJ, GMA News



Mga mister, nakararanas din ng pagmamalupit mula sa kani-kanilang mga misis
Source: Balita News

Post a Comment

0 Comments