Anak na nagtapos sa Senior HS, inialay sa amang magsasaka ang kaniyang medalya

Matapos ang seremonya sa pagtatapos ng Senior High School with Honors sa Gandara, Samar, tumakbo na sa bukid si John Carlo Opril upang ihandog sa kaniyang amang nasa bukid at nagsasaka ang natanggap niyang medalya.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” napag-alaman na sa pagsasaka binubuhay ni Tatay Antonio Opril Jr. ang kaniyang limang anak.

Sa isang araw, kumikita lang si Antonio ng P300 sa pagtatanim sa lupa na hindi nila pag-aari.

Nang araw na nagtapos si John Carlo, gustuhin man ni Antonio na samahan ang anak, hindi niya nagawa dahil kailangan pa rin niyang magtanim sa bukid para kumita.

At nang matapos ang seremonya sa paaralan, dali-daling pinuntahan ni John Carlo ang kaniyang tatay sa bukid para ipakita ang natanggap niyang medalya na bunga ng kaniyang pagsisikap sa pag-aaral.

Sa video, madidinig na umiiyak na nagpasalamat si John Carlo sa kaniyang ama, bagay na ayaw niyang palampasin dahil hindi na raw niya nagawang magpasalamat sa kaniyang ina nang pumanaw ito dahil sa sakit na cancer.

Hindi lang naman si John Carlo sa magkakapatid ang napagtapos ni Antonio ng high school. Pero dahil sa kahirapan, hindi na nakapag-kolehiyo ang kaniyang mga anak.

Si John Carlo, nagsikap din na kumita kahit papaano upang magkaroon ng pera na magagamit niya sa pag-aaral.

Kapag may fiesta, pumapasok siyang tagahugas ng pinggan sa loob ng tatlong araw kapalit ng P250.00 na kita. Naranasan din umano niyang pumasok sa eskuwela na kanin na may asin at kalamansi ang baon.

Para makatapos ng senior high school, nakitira ng ilang buwan si John Carlo sa kaniyang guro na malapit sa kanilang paaralan.

Ayon kay titser Benjielyn Diaz, nakita naman niya na may dedikasyon sa pag-aaralan si John Carlo kaya kinupkop niya ito.

Pangarap ni John Carlo na ipagpatuloy ang kolehiyo at maging inhinyero kung papalarin balang araw.

Pero dalawang araw matapos ang kaniyang graduation noong July 12, umalis ng Samar at nagtungo sa Cavite si John Carlo para mamasukang barista para makatulong sa pamilya.

Ayon kay Jericho Baluata, na namamahala sa pinagtatrabahuhan ni John Carlo, nagkakilala sila online. Dahil walang matutuluyan sa Cavite, inalok niya ang binata na maging stay in na sa coffee shop.

Inilarawan ni Jericho na masipag at responsable si John Carlo.

Ayon kay John Carlo, wala siyang sinisisi at kagustuhan niya na magtrabaho na.

“Sabi ko nga hindi naman karera yung pag-aaral. Diskartehan lang tsaka sipagan lang po makakapagtapos naman po,” saad niya.

Matapos na mawalay sa kaniyang pamilya, sinamahan si John Carlo na umuwi ng Samar para sorpresahin muli ang kaniyang ama.

Pero hindi lang ang kaniyang ama ang masosorpresa kung hindi maging si John Carlo. Panoorin at kapulutan ng inspirasyon ang nakaaantig na kuwentong ito ng “KMJS.” —FRJ, GMA Integrated News



Anak na nagtapos sa Senior HS, inialay sa amang magsasaka ang kaniyang medalya
Source: Balita News

Post a Comment

0 Comments