Zubiri, pumalag sa pahayag ng Chinese Embassy: ‘Para akong Marites’

Ikinagulat ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang naging pahayag ng Chinese Embassy sa Maynila na sinasabing “misinformation” ang ulat na inilagay nila sa tourism blacklist ang Pilipinas dahil sa operasyon ng offshore gaming o POGO.

Ngayong Miyerkules, nanindigan si Zubiri sa kaniyang pahayag nitong Martes na binanggit umano ni Chinese Ambassador Huang Xilian ang salitang “blacklisting” nang magpulong sila noong Lunes.

“I was shocked by the turnaround. I was shocked by the statement of the Embassy and it’s regrettable because we had several witnesses,” ani Zubiri sa panayam ng mga mamamahayag.

Para kay Zubiri, maaaring “lost in translation” umano ang nangyari pero hindi “misinformation.”

“Maybe mali po sa pagsabi na misinformation. I think it should’ve just been a clarification… ‘Misinformation’ lumalabas na para akong Marites na nagbibigay ng maling information or fake news. ‘Di naman fake news ‘yon, daming nakinig sa kanya buti sana kung kaming dalawa lang,” giit niya.

Kasama ni Zubiri sina Senador Sherwin Gatchalian at Robin Padilla, at iba pang Senate staff nang makaharap ang Chinese envoy.

“The fault lies with the ambassador. He mentioned blacklisting. Siguro nagkamali ang ambassador. Pero we stand by our statement na binanggit ng ambassador ang word na blacklisting several times,” giit pa ni Zubiri.

“Maybe… we were misinformed by the ambassador possibly. Kaya may witnesses eh. Tatatlo kaming senador nandun di naman siguro ako gagawa ng kuwento,” dagdag niya.

Tinanong pa raw ni Zubiri si Huang kung maaari ba niyang ibahagi ang sinabi nitong impormasyon sa kanilang Senate hearing tungkol sa POGO.

Gayunman, sinabi ng lider ng Senado na hindi siya hihingi ng paumanhin sa naging pahayag ng Chinese Embassy, pero nais niyang magbigay ng malinaw na pahayag ang Chinese envoy sa isyu ng blacklisting sa Pilipinas kung magpapatuloy ang operasyon ng POGO sa bansa.

Ilang oras makaraang ihayag ni Zubiri nitong Martes na isinama umano sa blacklist bilang tourist destination ng gobyerno ng China ang bansa dahil sa POGO, naglabas naman ng pahayag ang Chinese Embassy pala pabulaanan ito.—FRJ, GMA News



Zubiri, pumalag sa pahayag ng Chinese Embassy: ‘Para akong Marites’
Source: Balita News

Post a Comment

0 Comments