1,200 na Pinoy workers para sa hotel industry, kailangan ng Israel; P80k kada buwan ang sahod

Kailangan ng Israel ng 1,200 na Pinoy workers para sa kaniyang hotel industry. Habang 600 Filipino female nurses naman ang hanap ng Saudi Arabia.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing government to government ang transaksiyon sa pagkuha ng Israel ng mga Pinoy hotel worker, housekeepers.

Humigit kumulang P80,000 umano kada buwan ang starting salary, bukod pa sa mga benepisyo, batay sa anunsyo ng Department of Migrant Workers.

Kabilang si Lenny Walit, nakatapos ng kursong hotel and house housekeeping course ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), sa mga nag-apply.

Para kay Lenny, pagkakataon ito para mabigyan ng mas magandang buhay ang kaniyang dalawang anak.

“Dito minimum wage po sir, kulang na kulang na po lalong-lalo na sa kagaya kong may anak,” aniya.

Sinabi ng DMW na kailangan mag-apply mismo sa kanilang tanggapan at hindi sa recruitment agencies ang mga interesado sa trabaho.

Wala rin daw anumang babayaran ang mga aplikante.

Para sa mga nais mag-apply, kailangan daw may NC-II TESDA certificate at magparehistro muna online bago pumunta sa mga opisina ng DMW.

“Ang ating pong initiation ng ating application is of course online. Kinakailangan lang ng po sundin ang mga requirements,” saad ni DMW Undersecretary for Licensing and Adjudication Services Atty. Bernard Olalia.

Samantala, ang Ministry of Health ng Saudi Arabia ay nangangailangan ng 600 Filipino female nurses.

Nasa ilalim din ito ng government to government at naka-schedule ang mga interview para sa mga aplikante mula December 5 – 9.

Hindi bababa sa P62,000 ang basic salary na maaaring madagdagan depende sa years of experience, ayon sa ulat. 

Bukod sa bansang Israel, ikinakasa na rin ang mga pag-uusap para makabuo ng kasunduan sa bansa ng Germany at Portugal para sa mga trabahong puwedeng pasukan ng mga Pilipino.

Paalala naman ng DMW sa mga aplikante na huwag papatulan ang mga trabahong inaalok sa social media pages para hindi mabiktima ng mga illegal recruiters. —Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News



1,200 na Pinoy workers para sa hotel industry, kailangan ng Israel; P80k kada buwan ang sahod
Source: Balita News

Post a Comment

0 Comments