Ngayong kapaskuhan na marami na naman ang namimili–sa mga pisikal na tindahan man o via online– dapat tandaan na ipinagbabawal sa batas ang “no return, no exchange policy,” kung sakaling nagkamali o depektibo ang nabiling produkto.
Sa Kapuso sa Batas, ipinaliwanag ni Atty. Gaby Concepcion na bawal ang “No return, no exchange” policy dahil itinuturing itong deceptive sales act sa ilalim ng Republic Act 7394 o Consumer Act of the Philippines.
Kaya bawal sa mga seller ang paglalagay ng mga katagang “no return, no exchange” sa mga contract of sales, resibo, mga paskil sa tindahan o online advertisements.
Dagdag ni Atty. Concepcion, walang takdang araw na binanggit sa batas kung kailan dapat isauli ang isang depektibong produkto. Pero inihayag niya ang kaniyang opinyon na dapat itong ibalik sa makatwirang panahon.
Kapag depektibo ang isang produkto, dapat umanong tandaan ng mga consumer ang tatlong “R” na: “Replace” o papalitan ang produkto, “Repair” o ipagawa ang depekto nito, at “Refund” o kunin ulit ang perang ibinayad.
Ayon sa Consumer Act, “Sellers are obliged to honor their warranties and grant corresponding remedies to consumers.”
At kung hindi pumayag ang seller sa hiling ng consumer, maaari itong ireklamo o isumbong sa Fair-Trade Enforcement Bureau ng Department of Trade and Industry. —FRJ, GMA Integrated News
Alamin ang tatlong ‘R’ na dapat tandaan kapag depektibo ang nabiling produkto
Source: Balita News
0 Comments