Ginang na hiniwalayan ng mister dahil sa pagbigat ng kaniyang timbang, isa na ngayong bodybuilder

Lugmok man nang iwan ng kaniyang asawa dahil sa mabigat niyang timbang, naging motibasyon naman ito para mag-workout ang isang ginang, hanggang sa makahiligan na niya ito at maging isang bodybuilder at certified fitness trainer.

“Ang motivation ko kung bakit ako nag-start na mag-workout, kasi tumaba ako, at dahil sa pagtaba kong iyon, naghanap ng iba ang asawa ko,” sabi ng 44-anyos na si Mary Rose Sison sa “Pinoy MD” tungkol sa matindi niyang hugot kaya siya nagwo-workout.

Tulad ng maraming ina, nagsimulang dumagdag ang timbang ni Sison matapos manganak.

“Wala talaga akong time para sa sarili ko, so I started gaining weight. Kasi siyempre kapag sobrang pagod ka, lalo busy dati noon ang asawa ko sa pagtatrabaho, mag-isa lang ako, kain ako nang kain,” sabi ni Sison.

Patuloy pa ang pagbigat ng timbang ni Sison, hanggang sa mabuntis siya sa pangatlo nilang anak ng dati niyang asawa.

Nang umuwi ang asawa ni Sison mula sa pagtatrabaho sa abroad, nagulat ito sa anyo ni Sison. Dito na tumabang ang kanilang relasyon, at nagdesisyon ang kaniyang mister na hiwalayan na siya.

“Siyempre nalungkot ako, sabi ko ‘Ito ba ang dahilan? Hindi ka na ba masaya? May mga anak naman tayo.’ Hindi na raw talaga siya masaya. So talagang that was ‘yung pinakamahirap na punto ng buhay ko,” sabi ni Sison.

“‘Pag tingin ko sa sarili ko, tumitingin ako sa salamin, ‘Ang pangit ko, ang taba-taba ko, wala nang magkakagusto sa akin, wala na akong pag-asa.’ To the point I had suicidal thoughts that time,” dagdag pa ng ginang.

Labis man na nasaktan sa nangyari, nagpakatatag si Sison dahil sa kaniyang mga anak, hanggang sa simulan niyang mag-workout nang maimbitahan siyang mag-gym.

“I didn’t expect from that day on, inaraw-araw ko na ang pagwo-workout,” sabi ni Sison.

Nagtagumpay si Sison sa pagbabawas ng kaniyang timbang, ngunit naging sobrang payat niya naman. Kaya nag-research siya kung paano magkakaroon ng magandang hubog ang isang babae.

Mula sa pagwo-workout, kinarera na ni Sison ang bodybuilding.

“‘Pag lumalabas ako, pinagtitinginan ako. ‘Lalaki ba ‘yan o babae?’ maririnig mo ‘yung bulung-bulungan ng mga tao. Noong una masakit para sa akin, pero eventually natanggap ko rin,” sabi ni Sison, na pinanindigan ang kaniyang pagiging bodybuilder.

Ngayon, ilang bodybuilding competitions na ang ipinanalo ni Sison, at isa na siyang certified fitness trainer na hinihikayat ang mga kagaya niyang gustong pangalagaan ang kanilang kalusugan. — VBL, GMA Integrated News



Ginang na hiniwalayan ng mister dahil sa pagbigat ng kaniyang timbang, isa na ngayong bodybuilder
Source: Balita News

Post a Comment

0 Comments