
Arestado sa Pasay City ang anim na online seller dahil sa pagbebenta umano ng mga nakaw na ready-to-wear (RTW) na mga damit.
Naaresto ang mga suspek sa isinagawang entrapment operation ng Pasay Police, ayon sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Martes.
Giit naman ng mga suspek, hindi nila alam na mga nakaw na damit ang kanilang ibinebenta. Nakuha lang daw nila ito sa kanilang supplier na unang beses pa lang nila naka-transaksiyon.
Ayon sa Pasay Police, may lumapit sa kanila na empleyado ng isang fashion warehouse at sinabing may nagbebenta online ng mga damit na ninakaw sa kanila.
“‘Yung saleslady niya meron nga naka-transaksiyon na nagbebenta ng mga RTW. Tapos nu’n, nakita nila sa post na itong mga ibinebenta na ito ay galing sa kanilang warehouse na ninakaw noong January 18, 2023 doon sa Manila,” ani Pasay City Police Chief Investigator Police Captain Dennis Desalisa.
Natunton ng mga awtoridad ang bulto-bulto na mga RTW na may mga nakasulat na Bengali sa mga kahon.
Bangladeshi ang may-ari ng fashion warehouse.
“These are all my items. 100% sure,” ani may-ari ng fashion warehouse.
Labinlimang bulto ng mga RTW ang kinumpiska ng mga awtoridad mula sa mga suspek. Tinatayang nagkakahalaga ito ng halos P150,000.
Ayon sa may-ari, hindi raw ito ang unang beses na ninakawan sila sa kanilang warehouse.
“They are disturbing us very long time. Last three, four years they are disturbing us. They took our stocks, thousands, thousands boxes. They stole our items,” aniya.
Ayon sa mga suspek, ipinabebenta lang daw ng supplier ang mga RTW. Sampung piso kada damit na maibebenta ang kanilang kita.
Mahaharap sa kasong paglabag sa anti-fencing law ang mga suspek.
Hinahanap naman ng mga awtoridad ang supplier ng mga online seller. —KG, GMA Integrated News
6 na online seller, arestado dahil sa pagbebenta ng umano’y nakaw na RTW
Source: Balita News
0 Comments