Ama, kailangang iwan sa kapitbahay ang anak para makapagtrabaho

Masakit man sa kalooban, walang magawa ang isang amang construction worker sa Mandaue City sa Cebu kung hindi iwan ang kaniyang dalawang-taong-gulang na anak na babae sa kapitbahay upang makapagtabaho. Ang kaniyang asawa, pumanaw nitong Mayo dahil sa sakit na cancer.

Sa “The Atom Araullo Specials,” napag-alaman na nakatira sa maliit na bahay sa gilid ng nasirang Cebu International Convention Center o CICC, ang amang Arvin Sollano, at kaniyang anak na si Tricialy.

Nang araw na nakapanayam si Arvin, maysakit si Tricialy. Naglalambing man ang bata na huwag na siyang pumasok sa trabaho, walang magawa ang ama kung hindi iwan pa rin sa kapitbahay ang kaniyang anak.

Hindi man marahil lubos pang nauuwaan ni Tricialyn ang kanilang kalagayan sa buhay, ipinapaliwanag ni Tatay Arvin sa kaniyang anak na kailangan niyang magtrabaho para kumita nang may maipambibili siya ng gatas ng anak.

Matapos na bihisan ang anak, inihatid na ni Arvin ang kaniyang anak sa kanilang kapitbahay. Makaraan namang maligo sa labas ng kanilang bahay, nagbihis na rin si Tatay Arvin at sumabak na sa trabaho.

Napag-alaman na nito lang Mayo nang pumanaw dahil sa sakit na breast cancer ang asawa ni Tatay Arvin. Stage 4 na umano ang cancer ng kaniyang asawa nang magpasuri sila sa duktor.

Nawalan na ng katuwang sa buhay, nagkaroon pa sila ng utang sa ospital dahil sa pagpapagamot sa asawa. Kaya naman kailangan talaga niyang kumayod kahit mahirap sa kalooban niya na iwan sa kapitbahay ang anak.

Kabilang si Arvin sa mga informal settler na nakatira sa paligid ng CICC.

Nagtitiis sila na manirahan sa lugar dahil mayroon silang mapapasukang trabaho, kumpara sa kung maninirahan sila sa probinsiya.

Ang CICC ay ginamit noong 2007 sa Asean Summit, na pinondohan ng P800 milyon. Pero noong 2013, napinsala ito ng lindol at bagyong Yolanda, hanggang sa hindi na ipinaayos pa.

Taong 2016, binili ito ng pamahalaang lokal ng Mandaue upang magamit na pansamantalang tirahan ng mga walang disenteng tahanan.

Ano na nga ba ang estado ng ipinangakong pabahay para sa mga kuwalipikadong beneficiaries sa lungsod?  Alamin ang kasagutan sa video.

Samantala, matapos ang maghapong pagbabanat ng buto sa construction site, umuwi na si Tatay Arvin, at mapapanatag na rin ang kaniyang isip dahil kasama na niya muli ang kaniyang anak. —FRJ, GMA Integrated News



Ama, kailangang iwan sa kapitbahay ang anak para makapagtrabaho
Source: Balita News

Post a Comment

0 Comments