Hindi akalain ng isang macho man sa United Kingdom na mas malaki ang kikitain niya sa pagpo-post ng video sa social media na bigla siyang nagmumukhang buntis kaysa sa dati niyang trabaho na isang clerk.
Sa video ng GMA News Feed, sinabing nagkaroon noon ng problema sa pinansiyal si Simon Herderson, dating clerk, nang maghiwalay sila ng kaniyang asawa.
Pero nalutas niya ang problema sa pera sa tulong ng kakaiba niyang talento dahil nagagawa niyang palobohin ang kaniyang 6-pack abs para magmukhang buntis.
Sa isang iglap, kaya ring ibalik ni Simon sa dating porma ang kaniyang abs.
Marami ang natuwa nang subukan ni Simon na i-post ang videos na nagpapakita ng kaniyang talento sa pagpapalaki ng tiyan.
Ngayon, pinagkakakitaan na niya ang kaniyang videos na umaarete siyang buntis.
Nadiskubre raw ni Simon ang kaniyang talento nang may nakita siyang lalaking nagpapagalaw ng tiyan at ginaya niya ito.
Laking gulat niya nang makita niya na kaya rin niyang palobohin ang kaniyang tiyan at ibalik sa dating porma.
“It is all basically muscle control. What is coming out is my muscles so I am never going to get hernia like people say. Because hernia comes from weakness in the stomach lining. In my stomach there is no weakness,” paliwanag niya.
Ang kinikita ni Simon sa kaniyang video sa isang account, nasa nasa £4,000 o katumbas na mahigit P261,800, na higit na mas malaki sa kinikita niya noon bilang isang clerk.
Kaya kahit pinagtatawanan siya ng iba sa kaniyang ginagawa, deadma lang si Simon basta “belly good” ang kaniyang kita.–FRJ, GMA News
Macho man, kumikita sa online videos niya na bigla siyang nagmumukhang buntis
Source: Balita News
0 Comments