Labis ang pagsisisi ng ilang pedopilya sa New Bilibid Prison matapos silang masentensyahan ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong dahil sa kanilang pang-aabuso. Ano nga ba ang tumatakbo sa isip ng isang pedopilya at bakit nila nagagawa ang krimen?
Sa special report ni John Consulta sa “Brigada,” binisita ng GMA Integrated News ang ilang persons deprived of liberty (PDLs) sa nasabing kulungan na hinatulan dahil sa child sex abuse o pedopilya.
Si “Greg,” hindi niya tunay na pangalan, ay anim na taon nang nakakulong dahil sa pang-aabuso niya sa kaniyang anak-anakan na siyam na taong gulang noon.
“Aminado ako sir na nagawa ko iyon isang beses lang dahil sa sobrang kalasingan,” sabi ni Greg. “Ewan ko kung anong nakain ko sir, sobrang lasing po kasi ako noon sir.”
Nagsisisi si Greg sa kaniyang nagawa. “Hanggang langit po sir ang pagsisisi ko.”
Si “Ramil” naman, hindi niya rin tunay na pangalan, ay 17 taon nang nakakulong matapos makipagtalik sa kaniya ring anak-anakan na 16-anyos noon.
“Nagkaroon kami ng relasyon ng anak-anakan ko. Umamin po siya sa mama niya na nagkaroon kami ng relasyon. Tinanong naman ako ng asawa ko, umamin din ako sa kaniya,” sabi ni Ramil, na hinuli noong Enero ng 2005.
Inilahad ni Ramil kung paano siya nagsimulang magkagusto sa kaniyang anak-anakan.
“Una po sa pagbibiro biro, biru-biruan. Unti-unti po naramdaman namin na parang nagiging malapit na kami sa isa’t isa. Noong sinubukan ko po siyang halikan hindi po siya tumanggi. Hanggang sa tuluyan na po akong nakalimot, nagalaw ko siya. Natukso lang po ako at naabot sa ganiyan dahil nga po sa bata,” sabi ni Ramil.
“Kaya nga kung maibabalik ko lang ang panahon, sabi ko sa sarili ko, sana hindi ko na ginawa. Dahil sa kapirasong laman, habambuhay po ang pagdurusa ko,” pagsisisi ni Ramil.
Magmula nang makulong, hindi na raw nakita pa ni Ramil ang kaniyang mag-ina.
“Mula sa nanay hanggang doon sa anak-anakan ko, kung ano man ang mga pagkakamaling nagawa ko sa inyo, nawa’y patawarin niyo ako,” sabi ni Ramil.
“Pedophilia is considered as an illness. They may have some feelings of abandonment during their past, or biktima rin ng abuse,” ayon sa psychiatrist na si Dr. Bernadette Arcena.
Dagdag ni Arcena, ilang mga pedopilya ang nag-aalok ng mga regalo para makuha ang kanilang gusto, at alam nila ang kahinaan ng isang bata. Alam din nila na may mali sa kanilang ginagawa, pero may mga pagkakataon na hindi nila ito makontrol.
“Kaya ‘yun ang tinatawag natin na sakit siya kasi meron silang poor impulse control, they could not control their urges,” ayon pa sa doktora.
May malubha ring epekto ang pang-aabuso ng isang child predator sa kanilang mga biktima. “Nag-iiba na ang konsepto niya sa buhay. Naiiba na ang konsepto ng pagmamahal, pag-ibig at pamilya,” sabi ni Arcena.
Ang mga taong may karanasan ng pang-aabuso ay maaaring sumailalim sa depresyon o post-traumatic stress disorder.
Hinikayat ng asosasyong CAMELEON Philippines na magtulong-tulong ang mga lokal na pamahalaan at mga pribadong sektor para sugpuin ang child sex abuse sa Pilipinas.
Tiniyak naman ng Bureau of Immigration ang paghuli sa mga sex offender. —LBG, GMA Integreated News
Ilang pedopilya, labis ang pagsisisi sa ginawang pang-aabuso sa mga menor de edad
Source: Balita News
0 Comments